Nagsampa ngayon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng patong-patong na kaso laban sa limang delingkuwenteng kompaniya sa Quezon City na bigong makapagbayad ng buwis na aabot sa P71 million.
Kabilang dito ang mga kompaniyang Lucky Builders Center Corporation at presidente nitong si Diosdado Dimacali; Global Trendtech Trading Corporation at ang presidente nitong si Gemma Cheng at treasurer na si Emelyn Gonzales; Rar Builders Inc. at ang presidente nitong si Efren Ramon; Concreteworks Incorporated at president na si Patrick Ong at treasurer Jilsen Jan Ong; Amaautotechnic Corporation at presidente na si John Anthony Ambata at treasurer na si Alexander Ambata.
Ang Lucky Builders na matatagpuan ang opisina sa Pasig City ay hindi nakapagbayad umano ng buwis na aabot sa P29,071,737.68; Global Trendtech, Pasig City, P20,074,259.84; Rar Builders, P10,067,340.74; Concreteworks, Marikina City, P6,582,182 at Amaautotechnic, Pasig City, P5,325,563.59.
Ayon pa sa BIR ang limang kompanya ay hindi raw nakapagbayad ng tax noong taong 2009, 2012, 2013 at 2014 na isang paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997.