-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi makapaniwala ang limang mga turista mula Rizal Province na napili bilang mga 2019 Lucky Summer Visitors ng Baguio City.

Napili ang mga ito mula sa ikapitong bus na pinahinto ng selection committee sa Pugo, La Union na patungo ng Baguio City.

Maswerteng napili bilang Lucky Summer Visitors ang close friends at workmates na sina Iran Mae Santiago, 22, account associate, residente ng Morong, Rizal at Cecil Piguete, 23-, residente ng Antipolo, Rizal.

Napili din ang pamilya ng maglive-in na sina Jeremy Lozada, 26, branch manager at Joan Mar Toca, 25, account associate at ang anak nilang si Justin Gabriel, 5 na pawang residente ng Antipolo City.

Ayon kay Iran Mae, matagal na plano nila ang pagpunta ng Baguio ngunit ngayon lamang sila nagkaroon ng panahon.

Pangunahin aniyang gusto nilang gawin dito sa lungsod ay mag-strawberry picking at ang magsuot ng traditional outfit ng mga Igorot.

Matagal din na plano nina Joan Mae at Jeremy na pumunta ng Baguio at ito ay tinupad nila ngayong taon.

Ayon sa kanila, gusto nilang maranasan ang malamig na temperatura ng Baguio, strawberry picking at mamasyal sa mga sikat na tourist spot dito sa lungsod.

Hindi makapaniwala ang mga ito ng malaman nilang uuwi sila sakay ang isang van na puno ng mga pasalubong products mula Baguio at Benguet.

Mabibigyan ang limang turista ng higit tatlong araw na red carpet treatment mula sa Baguio Correspondents and Broadcasters Club, mga lokal na pamahalaan ng Baguio, La Trinidad at Tublay at mga sponsors.