-- Advertisements --
marawi war siege ruins
Marawi

CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na sila ang nag-sponsor sa biyahe ng mga internally displaced person (IDPs) ng Marawi City papuntang Mecca, Saudi Arabia para sa Hajj pilgrimage.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni TFBM chairperson at HUDCC chief Eduardo del Rosario na bahagi ng social healing process ng mga IDPs ang kanilang pagsali sa pilgrimage.

Nilinaw naman nito na kanila umanong idinaan sa pa-raffle ang pagpili ng mga IDPs na pumunta sa Mecca.

Ayon pa kay Del Rosario, nagmula sa pondo ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang P5 milyon na kanilang ginastos at wala itong bahid ng korapsiyon.

Sa katunayan, inutusan na raw ni Del Rosario ang NCMF na i-liquidate ang lahat na ginastos sa travel documents at airfares ng mga IDPs.

Iginiit pa ng opisyal na isang banal na obligasyon ng mga Muslim ang pagsali sa Hajj pilgrimage kung kaya’t hindi ito dapat bigyan ng masamang pananaw ng taongbayan.