TACLOBAN CITY – Nahaharap na sa patong-patong na kaso ang limang suspek ng child trafficking sa probinsya ng Biliran.
Una rito, nagsagawa ng dalawang magkasunod na entrapment operation ang mga awtoridad kung saan naaresto ang limang mga suspek na natuklasang magkamag-anak.
Ayon kay Pol. Capt. Niño Lawrence Ibo, OIC ng Women and Children Protection Center Visayas Field Unit, unang isinagawa ang operasyon sa Brgy. Victory, Caibiran kung saang nasagip ang dalawang taon at 10-taong gulang na mga batang babae.
Sinundan ito ng operasyon sa Barangay P.I. Garcia, Naval kung saan nasalba naman ang tatlo pang mga babaeng menor de edad.
Nabatid na ang naturang mga biktima ay sapilitang pinapagawa ng live lewd shows sa harap ng computer kung saan ang mga foreigners ang nanonood dito ay nagbabayad ng tig-$30 bawat show.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang limang mga biktima.