Target ngayon ng 5-man committee na binuo ng pamahalaan na tapusin ngayong linggo ang pagbabalangkas sa guidelines para sa imbestigasyon sa courtesy resignation ng mga 3rd level officers ng Philippine National Police.
Ito ang inihayag ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa Camp Crame, Quezon City.
Aniya, ngayong araw ay nakatakdang magpulong ang mga miyembro ng 5-man advisory group upang pag-usapan ang pagbuo sa kanilang magiging guidelines para sa pagsusuri sa mga heneral at koronel ng Pambansang Pulisya na tumugon sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
Bukod dito ay sinabi rin ni Azurin na kabilang din sa kanilang mga tatalakayin kung paano nila mabilis na tatapusin ang kanilang imbestigasyon sa naturang mga opisyal sa lalong madaling panahon at gayundin ang status ng hinawakang kaso ng mga ito na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Kung maaalala, una nang inihayag ni Interior Secretary Abalos na ipinaubaya na nila sa binuong 5-man committee ng pamahalaan ang pagbuo ng guidelines para sa imbestigasyon sa mga heneral at koronel ng PNP.
Nabatid na kabilang sa mga personalidad na napili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maging miyembro ng advisory group na sasala sa naturang mga opisyal ng Pambansang Pulisya ay sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, Presidential Adviser on Military Affairs Undersecretary Isagani Neres, at dating Court of Appeals Associate Justice Melchor Sadang.
Sinasabing pagkatapos ng imbestigasyong gagawin ng naturang 5-man panel ay sasailalim din sa pagsusuri ng National Police Commission ang mga pangalang matatanggap ang courtesy resignation nang dahil sa umano’y pagkakadawit ng mga ito sa operasyon ng ilegal na droga.