BACOLOD CITY – Dumating na sa Miami, Florida, USA, ang ilang kandidata sa Miss Universe 2019 na bibihisan ng international fashion designer na si Kirsten Regalado na tubong Negros Occidental.
Ngayong taon, dumami pa ang mga national directors ng mga bansa na sumasali sa Miss U ang lumapit kay Regalado upang magpagawa ng costume para sa kani-kanilang pambato.
Mula sa dalawang candidates noong nakaraang taon, lima na ngayon ang nagpagawa ng national costume at evening gown sa Negrense designer.
Ito ay kinabibilangan ng Miss Bahamas, Miss Mauritius, Miss US Virgin Islands, Miss Iceland at Miss Saint Lucia.
Si Miss Bahamas Tarea Sturrup, Miss St. Lucia Bebiana Mangal at Miss Mauritius Ornella LaFleche, ay nagpagawa ng evening gown; samantalang nagpadisenyo naman ng national costume sina Miss Iceland Birta Abiba, Miss US Virgin Islands Andrea Piecuch, at Miss Mauritius.
Noong nakaraang araw, dumating sa studio ni Regalado ang pambato ng Bahamas upang tingnan ang kanyang costume at dadalhin na nito ang mga damit sa kanyang pag-uwi sa kanilang bansa bukas.
Ayon kay Regalado, sunod na bibisita sa kanya ay ang Miss St. Lucia Universe na nagpagawa ng evening gown.
Aminado ang fashion designer na hindi niya inasahan ang pagdami ng kanyang mga kliyente ngunit sa tulong ng kanyang team sa Miami, sisikapin nilang matapos ang mga costume bago ang pageant sa susunod na buwan.