-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nahuli ng militar at pulisya ang limang mga armadong kalalakihan sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga suspek na sina Benjar Rajahpandalat, Datu Pong Mohammad, Pogi Abdullah, Theng Kiladan at Said Nanding.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy na nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na pwersa ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, 1st Mechanized Battalion at pulisya sa Barangay Tukanalipao Mamasapano Maguindanao.

Tumanggap ng intelligence report ang Joint Task Force Central na may limang myembro raw ng armed lawless group na sakay ng isang Toyota Hilux pick-up kulay itim na may plakang DAJ-9972 at XRM-125 na motorsiklo kulay blue na may plakang MC-3669 LK.

Kaduda-duda umano ang sakay ng pick-up at motor kaya sinita sila ng mga otoridad at hinalughog ang kanilang sasakyan.

Sinabi ni 33rd IB commander Lt. Col. Benjamin Cardiente na narekober sa mga suspek ang isang (1) 5.56mm M16 rifle (Bushmaster), 2 caliber .45 pistol, shabu, drug paraphernalia, mga bala, magazine at mga personal na kagamitan.

Walang naipakitang dokumento ang mga suspek sa kanilang dalang armas kaya agad silang hinuli.

Sa ngayon ay nakapiit na ang mga suspek sa costudial facility ng Maguindanao PNP at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.