Limang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute group ang namatay sa engkwentro sa Lanao del Norte nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Major General Gabriel Viray III, commander ng 1st Infantry Division, nasugatan din ang limang sundalo na nasa mabuting kalagayan na ngayon.
Nagsasagawa raw sila ng “decisive military operation” pasado alas tres y media nitong Lunes sa Munai, Lanao del Norte nang maka-engkwentro nila ang tinatayang 12 miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group.
Tumagal daw ng 45 minuto ang engkwentro hanggang tumakas na sa iba’t ibang direksiyon ang grupo.
Ayon pa kay Viray, nagkaroon muli ng 10 minutong engkwentro habang pinaghahahanap nila ang mga tumakas na miyembro ng naturang militanteng grupo.
Isa sa mga nasawi ay ang tinuturong lookout noong pagbomba sa Mindanao State University Gymnasium noong Disyembre.
Na-recover ng mga sundalo ang isang M16 rifle, M14 rifle, at iba pang ammunition bandoliers sa lugar ng engkwentro.