LA UNION – Limang miyembro ng isang pamilya sa Barangay Santiago, Bauang, La Union ang nalason sa inulam na kabute.
Ito ang kinumpirma sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Punong Barangay Clarito Tangalin.
Ayon kay Tangalin, kinuha ang mga kabute malapit sa bakuran ng pamilya, na tumubo sa ilalim ng kawayan.
Inihalo ang mga kabute sa nilutong mongo.
Makalipas lamang ng ilang sandali pagkatapos kumain, nakaramdan na ng pagkahilo at pagsusuka ang apat na miyembro ng pamilya.
Nalason naman ang ika-5 miyembro ng pamilya na isang teacher matapos kainin ang natirang ulam, nang dumating ito mula sa trabaho bandang alas 4:00 ng hapon at hindi agad ipinaalam sa kanya ang pangyayari.
Paliwanag ni Tangalin, hindi itinapon ang nilutong mongo na hinaluan ng nakalalasong kabute sa akalang hindi ito ang dahilan ng kanilang pagkahilo at pagsusuka.
Naging malubha ang kalagayan ng teacher dahil nadamihan umano nito ang kinain na ulam kung kayat dinala sa ospital bandang alas 8:00 ng gabi, sa tulong ng mga barangay officials.
Sa ngayon, ligtas na ang mga biktima ngunit payo ni Tangalin sa lahat na huwag basta manguha at kumain ng mga nakikitang kabute sa paligid, lalo na kung hindi pamilyar dito para makaiwas sa pagkalason.