-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nahaharap sa kasong syndicated estafa ang limang miyembro ng pamilya ng binansagan Forex investment scam queen sa Capiz.

Ito’y matapos silang maaresto sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Warrant, Intel at Investigative Section ng Roxas City Police Station, Panay Municipal Police Station, Pontevedra Municipal Police Station, Criminal Investigation and Detection Group, at Bacolod City Mobile Force Company sa Barangay 37, San Sebastian Street, Bacolod City.

Kinilala ang mga arestado na sina Roy Bulaquiña, 38-anyos; Norberto Bulaquiña, at Dominica Bulaquiña, kapwa 69-anyos at residente ng Barangay Oeste, Panay, Capiz; Oscar Bulaquiña, 69; at Jennifer Bulaquiña, 43, mga residente naman ng Barangay Tacas, Pontevedra, Capiz.

Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga kaanak ni Lourdes Bulaquiña Baarde.

Ang warrant of arrest ay pirmado ni Honorable Lorencito Diaz, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 17 sa Roxas City.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Roxas City Police Station ang mga suspek.

Una nang nahuli ng kapulisan ang “Forex investment scam queen” na si Baarde ng Barangay Baybay, Roxas City, at kasamahan nito na si Joel Domayan ng Quezon City.