LEGAZPI CITY- Nasawi ang limang miyembro ng pamilya sa Purok 6, Barangay Kilicao, Daraga, Albay matapos matupok ng apoy ang kanilang tahanan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Barangay Kagawad Harrym Baranquil, na unang responder, nabatid na binawian ng buhay ang mag-asawa, kabilang ang tatlong anak nito na edad 9-anyos, 5-anyos at 11 buwang gulang na sanggol.
Kwento nito na gawa sa light materials ang naturang bahay kaya mabilis na nilamon ng apoy at hindi na nailigtas ang mga biktima ng rumispunde sila.
Nakaligtas naman umano ang isa pang anak matapos magtungo sa kaniyang lola upang doon matulog.
Sa kasalukuyan ay patuloy pang inaalam ang sanhi ng naturang sunog lalo pa at solar power naman umano ang gamit ng naturang pamilya.
Samantala, nanawagan naman si Baranquil sa publiko para sa mga nais tumulong sa naiwang pamilya ng mga biktima lalo pa hikahos din umano sa buhay ang mga ito.