-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Pinag-aaralan ngayon ng mga otoridad kung posibleng biktima ng human trafficking ang limang Pilipinong kasamang naaresto ng dalawang Chinese national sa isang warehouse na naglalaman ng mga pekeng sigarilyo at Internal Revenue stamp sa Brgy. Bacag, Villasis kagabi.

Una rito, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP Pangasinan, PNP Villasis at BIR Region 1, ang bodega at nakumpiska ang kahon-kahon na pekeng sigarilyo na ayon sa pagtaya ng Regional Investigation Unit ng BIR Region I ang total estimated value ng nakumpiska sa lugar ay 200-300 million pesos.

Bagamat tumanggi na sa isang recorded interview, inihayag nila sa Bombo Radyo Dagupan News team na rumisponde sa operasyon, ang kanilang hiling na makauwi nalamang sa kanilang bayan.

Nabatid na ang limang Pilipino na nahuling nagtratrabado doon ay mula pa sa Dapitan, Mindanao.

Ayon pa sa kanila, napadpad sila dito sa lalawigan ng Pangasinan dahil hinikayat silang magtrabaho ng hindi nagpakilalang middle man at pinangakuang sasahod ng P400 kada araw bagay na kanilang sinungaban lalo at napakahirap aniya ng kanilang buhay sa Dapitan dahil sumasahod sila ng P25 kada araw sa pagbabalat ng buko.

Bagamat, hindi alam ang daratnang trabaho, agad umano silang sumama lalo tila pinamamadali ang pagpapapunta sa kanila sa Pangasinan.

Bukod dito, mayroon narin anilang unang nagtungo sa kanilang lugar kung saan mga babae naman ang inalok ng trabaho.

Noong unang makarating din aniya sila sa bodega ay tanging paglilinis lamang ang ipinapagawa sa kanila at pagbabantay wala rin umano silang ideya sa operasyong nangyayari doon.