Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa Bombo Radyo na hawak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang shortlist na may limang pangalan ng mga heneral na kaniyang pagpipilian kapalit ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na magreretiro na sa serbisyo sa darating na November 13, 2021.
Sa mensahe ni Sec. Año sa Bombo Radyo kaniyang sinabi na noong Martes lamang niya naisumite sa pangulo ang shortlist.
Tumanggi naman ang kalihim na sabihin kung sino ang limang police generals na nasa shortlist.
Binigyang-diin ng kalihim na ang kaniyang naging basehan sa kaniyang rekomendasyon ay “seniority, merit, at service reputation.”
Si Eleazar ang ika-26th PNP chief at pumalit sa pwesto ni retired Gen. Debold Sinas.
Kung ang rule of succession ang susundin ang mga posibleng contenders para sa PNP chief sina Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, deputy chief for administration, PNP’s second-highest official; Lt. Gen. Ephraim Dickson, deputy chief for operations, third-ranking PNP official; at Lt. Gen. Dionardo Carlos, chief of the directorial staff.
Matunog din ang pangalan ni NCRPO chief Maj. Gen. Vicente Danao na kilalang malapit kay Pangulong Duterte.
Si Danao ay miyembro ng PMA Class of 1991.
“I already submitted the list of 5 names to PRRD last Tuesday,” mensahe pa ni Sec Año sa Bombo Radyo.