CENTRAL MINDANAO – Lima ang nasawi nang manlaban umano ang mga biktima sa Army/Cafgu detachment dakong alas-8:45 kagabi sa probinsiya ng Cotabato.
Nakilala ang isa sa mga nasawi na si Datu Hashim Matalam, anak ni dating Maguindanao governor at Pagalungan Mayor Norodin Matalam.
Apat din sa mga kasamahan ni Matalam ang binawian ng buhay.
Ayon kay 602nd Brigade commander, B/Gen. Alfredo Rosario, sakay ang mga nasawi sa isang Nissan patrol car nang dumaan sila sa Army/Cafgu/BPAT outpost sa Brgy Inug-ug, Pikit, North Cotabato ay hindi umano huminto ang mga ito sa checkpoint at nagpaputok pa ng kanilang mga armas.
Napilitan daw ang mga otoridad na gumanti ng putok sa grupo ni Matalam hanggang sa ito ay masawi.
“The troops manning the checkpoint tried to stop them for inspection but they opened fire first, which led to our men to fire back,” ani Rosario.
Paliwanaga pa ni Rosario, todo alerto ang kanilang puwersa dahil sa nangyaring engkwentro ng dalawang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Pikit kaya nagsasagawa sila ng highway checkpoint.
Narekober din sa loob ng sasakyan ni Matalam ang mga matataas na uri ng armas at mga granada.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng militar at pulisya sa naturang pangyayari.