-- Advertisements --

Hindi pa rin madaanan ang 5 national roads sa Northern Luzon dahil sa pinagsamang epekto ng nagdaang bagyong Nika at bagyong Ofel na nag-landfall sa Baggao, Cagayan kaninang hapon.

Sa abiso mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Maintenance ngayong araw ng Huwebes, pansamantalang sarado para sa mga sasakyan ang road sections sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan valley.

Sa CAR, hindi madaanan ang Banaue-Hungduan-Benguet Boundary Road sa Ifugao matapos matabunan dahil sa landslide.

Habang sarado din ang Lubuagan-Batong-Buhay Road sa Kalinga dahil sa debris flow. Apektado din ang CT Talubin-Barlig-Natonin-Paracelis-Calaccad Road sa Mountain Province dahil sa soil collapse.

Sa may Cagayan valley naman, nananatiling lubog sa baha ang Sampaguita-Warat-Suerte-Catarauan-Afusing Road sa Cagayan habang hindi naman madaanan ang Cagayan-Apayao Road sa Itawes Overflow Bridge sa Piat, Cagayan.

Samantala, puspusan naman ang pagtratrabaho ng Disaster and Incident Management teams ng DPWH para linisin ang mga nakaharang sa mga kalsada.

Sa datos namang isinumite ng DPWH CAR at Region 3, nasa P442.107 million na ang inisyal na halaga ng pinagsamang pinsala ng 2 bagyo sa sektor ng imprastruktura kung saan nasa P121.45 million ang pinsala sa mga kalsada sa CAR at P320.66 million ang pinsala naman sa flood control structures sa Region 3.