Kasalukuyang nasa ilalim na ng civil at criminal forfeiture ang ni-raid na 5 Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs at mga nasamsam na sasakyan ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ang civil at criminal forfeiture ay pasok sa ilalim ng Republic Act 1379, isang batas na nagdedeklara para sa forfeiture ng anumang ari-arian na napatunayang ilegal na nakuha ng sinumang public officer o empleyado at ititurn-over sa gobyerno.
Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, isa sa mga na-forfiet na POGO hub sa lungsod ng Pasay ay ginagamit na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasagip na mga biktima.
Ang isa pang POGO hub ay ginawa namang kulungan ng mga nahuli sa ni-raid na POGO dahil kulang din aniya ng mga piitan ang Bureau of Immigration.
Sinabi din ng PAOCC official na maaaring gawing paaralan ang ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Gayundin ang ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac na maaaring gamitin ng mga ahensiya ng gobyerno matapos maghain ng civil forfeiture cases.
Sa ngayon ayon kay Cruz, nasa 402 pa ang hahabulin na ilegal na POGO dahil mula kasi sa 448 POGOs sa buong bansa sa dating administrasyon ay tanging nasa 46 lang ang nag-renew ng kanilang lisensiya sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).