-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hindi madaanan ang limang tulay sa Isabela dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa mga ilog bunsod ng mga nararanasang pag-ulan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Francis Joseph Reyes, information officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, dahil sa panakanakang pag-ulan na nararanasan sa rehiyon ay tumaas ang lebel ng tubig sa Cagayan River kaya hindi na madaanan ang ilang tulay sa lalawigan.

Kabilang dito ang Cabagan-Santa Maria overflow bridge; Kansan Bagutari-Sto. Tomas overflow bridge; Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City; Baculod overflow bridge sa lungsod ng Ilagan; at Gucab Bridge sa Echague, Isabela.

Ayon kay Reyes, kapag hindi pa rin gumanda ang lagay ng panahon ay maaring magtaas sila ng blue alert status.

Ibig sabihin nito ay maghahanda ang 50% ng kanilang response assets habang nakaantabay ang iba.

Gayunman ay makikipag-ugnayan sila sa PAGASA kung ano ang magiging lagay ng panahon sa mga susunod na araw dahil iniiwasan ang pagkukumpulan dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Region 2.