-- Advertisements --
Japan's Prime Minister Kishida Visits Philippines

Tinatarget ngayon ng Philippine Coast Guard na dagdagan pa ang bilang ng kanilang mga sasakyang pandagat.

Ito ang isa sa mga natalakay ng PCG at Japan Coast Guard sa isinagawang courtesy visit nina Japanese Prime Minister Fumio Kishida at Japan Coast Guard (JCG) Commandant, Admiral Shohei Ishii, sa National Headquarters ng PCG sa Port Area, Manila, noong Nobyembre 04, 2023.

Kabilang sa mga target ngayon ng PCG ay ang pagkakaroon ng lima pang malalaking barko na gawang Japan tulad ng 97-meter multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua, at BRP Melchora Aquino.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, makakatulong ang mga karagdagang barko sa pagpapalawak pa sa mga operasyon ng PCG, tulad ng pagpapatrolya sa West Philippine Sea, pagsasagawa ng search and rescue mission, at pakikiisa sa humanitarian assistance at disaster response effort ng pamahalaan.

Samantala, bukod dito ay natalakay din ng naturang mga opisyal ang regular na pagsasagawa ng trilateral maritime exercise sa pagitan ng PCG, JCG, at U.S. Coast Guard upang lalo pang mapaigting ang kooperasyon at maingatan ang kapayapaan sa karagatan ng rehiyon.

Kung maaalala, ang naturang pagpupulong ay dinaluhan nina Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, at PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil L Gavan.

Dito ay ipinahatid din ni PCG Admiral Gavan ang kanyang pasasalamat sa gobyerno ng Japan na isa sa pinakaunang bansang tumulong sa Pilipinas, partikular sa oil spill response operation sa Naujan, Oriental Mindoro.