Idineklara na rin ang state of calamity sa 5 pang probinsiya kasunod ng pananalasa ng nagdaang bagyong Carina at Habagat.
Sa situation briefing sa epekto ng bagyo kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inanunsiyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) na maliban sa Metro Manila, isinailalim na rin sa state of calamity ang Bataan, Bulacan, Batangas at Cavite.
Gayundin sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Nauna naman ng sinabi ni Sec. Abalos na idineklara ang state of calamity sa Kabacan, Cotabato; Pikit, Cotabato; Butuan, Davao de Occidental, at iba pang mga lugar.
Samantala, nasa 13 lokalidad ang ikinokonsiderang matinding nasalanta sa may lalawigan ng Bataan, Bulacan, Rizal at Batangas base sa malawak na pinsalang natamo ng mga ito, mataas na bilang ng mga residenteng na-displace, kakaunti o walang access sa relief goods at non-food items.
Sa datos noong 5am, iniulat ni Sec. Abalos kay PBBM na nasa kabuuang 36,319 pamilya o 149,006 indibidwal ang inilikas sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera Administrative Region, at NCR.
Mayroong 72 kalsada at 16 na tulay ang hindi madaanan sa nasabing mga rehiyon.