-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa 16-anyos na lalaking suspek sa pananaksak at pagpatay sa limang magkakaanak sa Barangay Tinapian, Baleno, Masbate.

Kinilala ang mga napaslang na biktima na sina Jennifer Adigue, 40; Adela Cortes, 67; Jesus Adigue, 70; at dalawang menor de edad na 17 at 14; habang sugatan naman ang isa pang 13-anyos na biktima.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, natukoy na habang natutulog ang magkakamag-anak ay pinasok ang kanilang bahay ng hindi na pinangalanang suspek at kinuha ang cellphone ng isa sa mga biktima.

Subalit nagising ang 17-anyos na menor de edad at nakita ang suspek kung kaya’t pinagsasaksak ito hanggang sa mamatay.

Hindi pa nakuntento ang suspek at inundayan rin ng saksak ang limang iba pa, dahilan upang agad na bawian ng buhay ang apat sa mga ito.

Agad naman na nakahingi ng tulong sa mga pulis ang mga kapitbahay ng biktima kaya mabilis na nahuli ang suspek na nakakulong na sa ngayon sa Baleno Municipal Police Station at isinasailalim sa imbestigasyon.

Samantala, pinaghahanap na rin ang umano’y dalawa pang kasabwat ng suspek na nakatakas matapos ang insidente.