-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Limang katao ang nasawi at dalawa ang malubhang nasugatan nang araruhin ng isang kotse ang kasalubong na traysikel sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Amil Mamadra, driver ng traysikel; Pai Mamadra; at tatlong iba na hindi pa nakikilala.

Sugatan naman sina Nasser Raker, 21; at ang 9-anyos na bata na kapwa residente ng Tacurong City.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director, P/Col. Maximo Layugan na binabaybay ng Toyota Innova ang national highway sa Purok 2, Barangay Kilada, bayan ng Matalam.

Bigla umanong pumutok ang unahang gulong ng kotse na minamaneho ni Andy Andong Baraguir at hindi na nito nakontrol ang manibela kung saan diretso itong bumangga sa kasalubong na traysikel.

Dahil sa tindi ng banggaan, nagkayupi-yupi ang traysikel at tumilapon ang mga sakay nito.

Tatlo sa mga sakay ng traysikel ang on the spot na nasawi,dalawa ang dead on arrival sa pagamutan at dalawa ang malubhang nasugatan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Matalam PNP sa pamumuno ni P/Maj. Joseph Lorenzo Bryan Placer sa madugong aksidente.