-- Advertisements --

(UPDATE) Umakyat na sa 16 ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring magnitude 6.1 na lindol kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pampanga Gov. Lilia Pineda na ito ang bilang na kanilang natatanggap mula sa iba’t ibang reports ng mga otoridad.

Subalit 10 pa lang aniya ang nasa punerarya sa ngayon kasunod ng nangyaring malakas na lindol.

Nauna nang sinabi ni Pineda na dalawa sa mga namatay ay mula sa Lubao, habang tatlo naman sa Porac at tatlo ang namatay habang nasa pagamutan.

Samantala, sa tala naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pitong katao ang nasawi habang 81 naman ang sugatan.

Sa isang panayam, sinabi ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas na patuloy pa ring hinahanap ng mga rescuers ang 24 katao na napaulat na nawawala kasunod ng pagyanig.

Karamihan aniya sa mga nawawalan ay pinaniniwalaang na-trap sa Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga na gumuho dhail sa lindol.

Gayunman, ang kanilang inilabas na figures na nagmula sa Office of the Civil Defense Region III ay patuloy pang biniberipika.

Sa ngayon, malaking problema ng mga residente ang pagkawala ng supply ng koryente.

Suspendido naman ang operasyon ng Clark International Airport dahil sa ilang pinsalang natamo, kasama na ang pagbagsak ng ilang parte ng kanilang kisame. (With reports from Bombo Dennis Jamito)