-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isyu sa rido o alitan sa pamilya ang ugat sa sagupaan ng dalawang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Lito Catulong Quinoñes, may sibilyan na naipit sa gulo at ang apat sa magkaaway na grupo habang tatlo ang nasugatan.

Una rito, nagka-engkwentro sa Sitio Galigayanin, Barangay Macabual, Pikit, North Cotabato ang grupo nina Kumander Bugdad Matalam Akas at Ustadz Walid Mamasamlang na mga miyembro ng MILF.

Dahil sa tindi ng palitan ng bala sa magkabilang panig ay lumikas ang ilang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar.

Nag-ugat ang gulo nang patayin si Brgy Macabual Brgy Chairman Jalandoni Matalam Akas noong nakalipas na buwan at gumanti ang kanyang mga kamag-anak,

Humupa lang ang gulo nang mamagitan ang mga matataas na lider ng MILF, militar, pulisya at LGU-Pikit.

Sa ngayon ay nananatili pa rin ang mga bakwit sa mga evacuation center o sa kanilang mga kamag-anak kung saan takot pa silang bumalik sa kanilang lugar dahil nasa palibot lamang ang magkaaway na grupo.