Hindi bababa sa limang katao ang nasawi at marami ang sugatan matapos ang naganap na pagsabog at sunog sa isang bodega ng paputok sa Marquez Drive, Barangay Tetuan, Zamboanga City.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection, kinilala nito ang mga nasawi na sina oly Limen, 38; Miriam Daiz Gregorio, 37; Arden Limen, 4; Erica Mae Lacastesantos, 18; at Jonalyn Enriquez Ramos, 19.
Ayon sa city fire department, ang inisyal na bilang ng mga nasugatan ay 24 ngunit sinabi ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na nakapagtala ito ng 38 nasugatan, 30 dito ay menor de edad na sugat.
Hindi pa matukoy ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog na nagsimula dakong alas-4:10 ng hapon. at umabot sa pangalawang alarma.
Idineklara ng mga awtoridad na fire out alas-6:40 ng gabi.
Sinabi ng mga fire officials na ang bodega at isang residential house ay nawasak, habang 15 halos mga istraktura ang bahagyang nasira.
Pansamantalang isinara ang mga linya ng kuryente at mga kalsada patungo sa lugar ng pagsabog.
Tinatayang nasa P62.5 milyon ang pinsala sa ari-arian.
Ipinag-utos na rin ni Zamboanga City Mayor John Dalipe sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at inatasan ang City Social Welfare and Development Office na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta sa mga apektadong indibidwal at pamilya.