-- Advertisements --
south africa church attack
Photo courtesy of @SAPoliceService’s Twitter account

Patay ang limang indibidwal at mahigit 40 ang dinakip matapos ang nangyaring pagsalakay sa isang simbahan sa South Africa nitong Sabado.

Ayon sa mga lokal na otoridad, apat na katao ang natagpuang pinagbabaril at sinunog nang buhay sa loob ng isang sasakyan, habang ang ikalimang biktima, na isang security guard, ay nakita ring may mga tama ng bala.

Sinabi naman ni National Commissioner of Police General Khehla John Sitole, nakatulong ang mabilis na pagresponde ng mga otoridad para maiwasan ang mas malala pang mga pagkasira at pagkalagas ng mas maraming buhay.

“I am certain that the speedy response by the joint security forces has averted what could have been a more severe blood bath,” pahayag ni Sitole.

” … It is rather unfortunate that such an incident takes place during a time when South Africa is being plagued by a deadly virus and violent crimes.”

Una rito, rumesponde ang mga tauhan ng South African Police Service and National Defense Force matapos makatanggap ng impormasyon na may nangyaring pamamaril at umano’y hostage situation sa International Pentecostal Holiness Church sa Zuurbekom, isang bayan sa Gauteng Province ng South Africa dakong alas-3:00 ng madaling araw (local time).

Hindi naman naniniwala ang mga otoridad na mga terorista ang nasa likod ng pananalakay, at sa halip ay maaaring dulot daw ito ng gusot sa pagitan ng dalawang paksyon sa simbahan.

Sa inisyal na report, sumugod daw sa simbahan ang isang armadong grupo at inatake ang mga taong nasa loob ng lugar.

Maliban dito, may nailigtas din ang mga otoridad na mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata na naninirahan sa compound at pinaniniwalaang ginawang bihag.

Nasa 40 rin ang inaresto ng mga kinauukulan, kasama na ang anim na katao na dinala sa ospital. (ABC News/ BBC/ CNN)