-- Advertisements --

Kumitil sa 5 katao kabilang ang commander ng Palestinian armed group na Hamas sa West Bank ngayong araw ng Sabado ang inilunsad na air strike ng Israel.

Ayon sa Palestinian news agency, hindi pa malinaw sa ngayon ang pagkakakilanlan ng 4 na iba pang indibidwal na nasawi sa pag-atake.

Batay naman sa Israeli Defense Forces na inilunsad nila ang air strike laban sa isang militant cell sa may West Bank city ng Tulkarm.

Iniulat naman kalaunan ng Hamas media na tinamaan ang isang sasakyang lulan ang fighters at isa sa mga commander ng Tulkarm brigades ang napaslang.

Una rito, bago pa man sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza noong Oktubre 7, nagaganap na ang karahasan sa West Bank kung saan madalas na nagsasagawa ng raid ang Israeli forces sa naturang teritoryo.

Mas tumindi pa ang tensiyon sa middle east ngayong linggo matapos ang assassination sa Hamas leader na si Ismail Haniyeh sa Tehran, Iran noong Miyerkules, isang araw matapos na maglunsad ng strike ang Israel sa Beirut na ikinamatay naman ng kaalyado ng Hamas na si Hezbollah senior military commander Fuad Shukr.