ILOILO CITY – Patay ang isang driver matapos na sumemplang ang kanyang motorsiklo at natuhog ang kanyang ulo sa nakausling bakal sa inaayos na kalsada sa Brgy. Man-it, Passi City.
Ang biktima ay si Eduardo Rodriguez, residente ng 223 Dominguez Street, Mabutang Abucay, Bataan ngunit pansamantalang naninirahan sa Brgy. Man-it sa nasabing lungsod.
Napag-alaman na walang early warning device sa lugar na siyang tinuturong dahilan.
Patay rin ang driver at angkas nito sa motorsiklo at sugatan ang isa pang angkas nang maaksidente ang mga ito sa Brgy. Jolason, Tubungan, Iloilo.
Ang mga namatay ay sina Emmanuel Doquito, driver ng motorsiklo, 26, ng Barangay Bagumbayan, Alimodian at John Lloyd Villanueva, angkas sa motorsiklo, 15.
Ang sugatan ay si Ramil Gange, 21, angkas din ng motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng Tubungan Municipal Police Station, nawalan ng kontrol ang driver at tumama ang kanilang motorsiklo sa puno ng kahoy.
Samantala, patay rin ang tricycle driver at pasahero matapos nagbanggaan ang tricycle at Mitsubishi Sedan sa Brgy. Badiang, San Jose, Antique.
Ang biktima ay sina Alberto Amedo, 71, tricycle driver at Elna Del Rosario, 52, na kapwa nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.
Ang driver ng kotse ay si Auramil Udane lll na nakakulong na at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.