-- Advertisements --
Umabot sa limang katao ang nasawi sa nangyaring malaking sunog sa Parola Compound sa Tondo, Maynila na sumiklab nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa mga otoridad, kabilang sa mga nasawi ang isang nagngangalang Jake Loyola, 37, at ang kanyang mga anak na nasa edad tatlo at walo.
Binawian din ng buhay sa sunog ang dalawang iba pa na nasa edad 10 at 12.
Umabot sa first alarm ang sunog dakong alas-11:53 ng gabi ng Sabado. Itinaas pa ito sa second alarm noong hatinggabi ng Linggo at third alarm makalipas ang pitong minuto.
Humantong pa ang sunog sa fourth alarm bandang ala-1:49 ng madaling araw, at idineklarang under control nitong alas-5:04 ng umaga.
Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng nangyaring sunog.