NAGA CITY-Limang katao ang binawian ng buhay habang tatlo naman ang sugatan dahil sa banggaan sa Lopez, Quezon.
Kinilala ang mga biktima na binawian ng buhay na sina Cheska Brin Jucares, 28 anyos, residente ng Sta Cruz, Antipolo City, Rizal, alyas Jasper, isang menor de edad, alyas Jarid, 8 buwan na sanggol, Riza Brin, 25 anyos, residente ng Brgy. Dela Paz, Antipolo, Rizal, at si Jaymar Orolfo Lunas, residente ng Antipolo, Rizal.
Sugatan naman ang mga biktima na sina alyas Julia, isang menor de edad, Leopoldo Revilla Brin, 57 anyos, at si alyas Janella, isang menor de edad.
Kinilala naman ang suspek na si Ernesto Galvez Alberto, 51 anyos, residente ng San Pascual Hagonoy, Bulacan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, alas 2:15 aniya ng madaling araw ngayong umaga, Mayo 15, 2024, nang nakakuha ang Lopez Municipal Police Station ng tawag kung saan nagkaroon ng road crash incident sa Brgy. Canda Ilaya, Lopez, Quezon.
Kaagad naman na pumunta ang mga imbestigador ng nabanggit na himpilan sa lugar.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, umaga ngayong Mayo 15, sa Maharlika Highway na parte pa kan Brgy. Canda Ilaya, Lopez, Quezon, binabagtas aniya ni Julius Cano Brin, 32 anyos, residente ng Sta Cruz, Antipolo City, ang daan gamit ang isang tuktuk nang bigla na lang itong tinamaan ng isang Fuso truck na minamaneho ni Ernesto Galvez Alberto.
Dahil dito, nasunog ang behikulo ni Brin at bumangga sa Yutong Bus na minamaneho ni Amor Atabillo Pedragosa, 47 anyos, residente ng Cupang, Antipolo City, rason upang masunog rin ang nabanggit na bus.
Dahil dito dead-on-the spot dahil sa pagkasunog sina Cheska Brin Jucares, alyas Jasper, alyas Jarid, at Riza Brin, habang nadala pa sana si Jaymar Orolfo Lunas sa ospital ngunit binawian rin lang naman ito ng buhay habang ginagamot.
Sugatan naman sina alyas Julia, alyas Janella, at Leopoldo Revilla Brin na pawang dinala sa ospital para sa tulong medikal.
Dahil dito, dinala na ang suspek sa Lopez Municipal Police Station para sa karampatang disposisyon.