Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 5 phreatic eruption sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas sa pagitan ng alas-12 ng umaga ng Biyernes at alas-12 ng umaga ngayong Sabado.
Ang isang phreatic eruption ay tumagal ng 13 minuto.
Paliwanag ng Phivolcs ang phreatic eruption ay ang steam driven explosion na nangyayari kapag ang tubig na nasa below the ground o nasa surface ay pinainit ng magma, lava, mainit na bato, o sariwang deposito mula sa bulkan.
Sa parehong monitoring period ng ahensiya, nasa kabuuang 15 volcanic earthquakes ang naitala kabilang ang 6 na volcanic tremors na nagtagal ng 2 hanggang 4 na minuto bawat isa.
Naobserbahan din ang plumes na umabot ng hanggang 2,400 metro ang taas na napadpad sa timog-kanluran at hilagang-kanlurang bahagi.
Sa kabila naman ng naobserbahang kasalukuyang aktibidad ng bulkan, nananatiling nasa Alert level 1 ang Taal na nangangahulugan na nagpapatuloy ang abnormal na aktibdiad at patuloy na banta ng pagsabog.
Kayat patuloy na pinapaalalahanan ang mga residente at turista na ipinagbabawal ang pagbisita sa Taal Volcano island partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissures.
Gayundin striktong ipinagbabawal ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid sa bunganga ng bulkan dahil sa posibleng banta ng biglaag pagalburuto, volcanic quakes, pagbuga ng abo at gas emissions.