Kinumpirma ngayong araw ni Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes na wala na sa panganib ang 5 Pilipino na sakay ng Singapore Airlines flight na nakaranas ng severe turbulence noong May 21.
Ayon sa envoy kaniyang dinalaw ang mga nasugatang Pinoy sa ospital. Sa ngayon, hindi pa dinidischarge ang 2 Pinay at 3 Pinoy kabilang ang 2 taong gulang na batang lalaki dahil sumasailalim pa sila sa observation habang ang isa ay nasa intensive care unit pa para sa mas maigting na monitoring.
Sinabi din nito na nakakaramdam pa rin ang mga nasugatang Pilipino ng pananakit ng katawan habang ang isa ay nagtamo ng head injuries.
Inihayag ng opisyal na 4 sa mga Pilipino ay patungo ng Pilipinas habang ang isa naman ay overseas Filipino worker ay nakabase sa Singapore.
Samantala, tiniyak naman ng embahada na kanilang sasagutin ang medical bills ng mga nasugatang pasahero gayundin nakahanda silang magbigay ng anumang tulong para sa nasugatang mga Pilipino at kanilang pamilya.
Una rito, kabilang nga ang 5 Pinoy sa mahigit 200 pasahero na lulan ng London-to-Singapore flight SQ321 nang tamaan ang malakas na turbulence sa may Indian Ocean dahilan ng pag-emergency landing nito sa Bangkok, Thailand.