-- Advertisements --

Handang-handa na ang triathlon team ng Pilipinas na sasabak sa 2023 Asia Sprint Triathlon championships ngayong araw sa Al-Khobar, Saudi Arabia.

Tatlo sa mga ito ay mga Cebuano kabilang ang two-time Southeast Asian Games (SEAG) silver medalist Andrew Kim Remolino, SEA Games aquathlon relay gold medalist Matthew Justine Hermosa, at SEA Games bronze medalist Raven Faith Alcoseba.

Maliban sa kanila, sasabak din sa kompetisyon ang back-to-back SEA Games gold medalist Fernando Casares at SEA Games aquathlon relay gold medalist Kira Ellis.

Lalahok ang koponan sa elite category sa 750-meter swim, 20 km bike, at 5 km run kung saan magsisimula ang race mamayang alas 3 ng hapon oras sa Pilipinas para sa women’s habang alas 5 ng hapon naman para sa men’s.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay national triathlon coach Roland Remolino, inamin nitong busy at limitado ang kanilang paghahanda para sa nasabing kompetisyon dahil may mga pinaghahandaan din silang nalalapit na mga event sa ibang bansa.

Sinabi ni Remolino na ito ang unang triathlon race kasunod ng Asian Games noong Setyembre sa Hangzhou, China.

Matatandaan na nagtapos si Casares sa ika-10 pwesto at Remolino sa ika-13 puwesto sa men’s individual triathlon ng nasabing kompetisyon habang ika-pitong pwesto naman sina Alcoseba at Hermosa sa mixed relay kasama sina Casares at Kim Mangrobang sa Asia.