LA UNION – Tuluyang na-diskwalipika sa isinagawang graduation rites ang limang police trainee sa Regional Special Training Unit I (RSTU-1) sa Aringay, La Union.
Ito’y dahil sa paglabag umano sa training manual nang maaktuhan ang mga ito na nag-inuman noong Linggo, kasabay ng Valentine’s Day, o dalawang araw bago sana magtapos ang mga ito.
Ito ang kinumpirma sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay P/Lt. Col. Richard Verceles, training manager ng RSTU-I.
Maliban sa limang police trainee na hindi nakapagtapos, dalawa pa ang unang inalis dahil din sa paglabag sa training manual.
Ayon kay Verceles, 393 police trainees ang kabuuang bilang ng mga nagtapos mula sa anim na buwan na public safety basic recruit course ng Philippine National Police (PNP), simula noong Agosto 2020.
Bago i-deploy ang mga ito sa iba’t ibang training centers at police stations sa buong Region 1 para sa anim na buwan na Field Training Program, sumailalim muna sila sa 14-days quarantine at mandatory swab test para masigurong virus free ang mga ito.
Iginiit ni Lt. Col. Verceles na ang pitong police trainee ay sasailalim sa proseso ng imbestigasyon bago tuluyang i-terminate sa serbisyo dahil sa simpleng paglabag sa rules and regulations ng PNP training manual.