Pinagpapaliwanag na ng Department of Energy (DOE) ang limang planta ng kuryente sa Luzon na dahilan umano ng magkakasunod na insidente ng pagnipis sa power supply.
Kabilang sa mga ito ang Sual Unit 1 sa Pangasinan; SLPGC Unit 2 at SLTEC Unit 1 sa Batangas; at Pagbilao Unit 3 sa Quezon matapos mabatid na nagkaroon ng unplanned shutdown sa mga ito.
Binigyan din daw ng showcause order ang Calaca Unit 2 sa Batangas dahil tinitipid daw nito ang kanilang 200-megawatt capacity.
“We want to clarify what’s happening with them. Bakit nasira or bakit delayed ang, nasaan yung explanation? Ano yung mga pieces of evidence, videos, pictures; because I’m really trying to collate the information,” dagdag pa nito.
Nitong araw nang muling isailalim sa ikatlong sunod na araw ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon Grid sa Red Alert.
Nasa Yellow Alert din ang rehiyon dahil sa manipis pa ring reserba ng kuryente.
Kaninang alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng umaga unang naranasan ang Yellow Alert, at babalik daw ito mamayang alas-10:00 hanggang alas-11:00 ng gabi.
Samantala nagsimula na ang Red Alert kaninang alas-9:00 at tatagal ng 13 oras kaya asahan umano ang posibilidad ng rotational brownout hanggang mamayang alas-10:00 ng gabi.
Ayon sa NGCP inaasahang papalo sa 10,334-megawatts ang peak ng demand ngayong araw.
Ito ay mas mataas mula sa available capacity na 10,220-megawatts
Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, pinag-aaralan na ng kagawaran ang posibilidad na gumamit ng replacement power at outage allowance bilang solusyon.
“The DOE recognizes, however, that short-term answers are not enough. Thus, we are taking a holistic approach that focuses on the establishment of institutional solutions that would benefit consumers in the long run,” ani Cusi.
Ngayong araw naman, isang follow up meeting ang ipapatawag ng DOE sa lahat ng stakeholders para sa patuloy na pagbalangkas ng tugon sa problema ng power supply.