Nagpaligsahan sa kani-kanilang mga plataporma de gobyerno ang limang mga presidential candidates sa ginanap na “Panata sa Bayan, The KBP Presidential Candidates Forum.”
Ang tatlong oras na tapatan ng mga kandidato ay iniere rin sa mga himpilan ng Bombo Radyo at Star FM stations bilang bahagi ng serbisyo publiko kasabay ang may 300 pang mga radyo, telebisyon at cable na nasa ilalim ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Sari-saring isyu rin ang sinagot ng mga presidentiables tulad na lamang sa pagharap sa mga problema sa ekonomiya, COVID pandemic response, health care, isyu sa trabaho at pasweldo, West Philippine Sea, foreign policy at iba pa.
Ang mga dumalo ay sina Vice President Leni Robredo, Sen. Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno at labor leader Leody de Guzman.
Si dating Sen. Ferdinand Bongbong Marcos ay hindi naman nakadalo sa forum dahil sa conflict daw ito sa kanyang schedule.
Aminado ang mga presidentiables na ambisyoso ang kanilang mga programa lalo na at pinipilit pa lamang na makabangon ng ekonomiya at dagdag pa rin ang pagkakautang ang Pilipinas na nasa mahigit na P13 trilyon na.
Nagkakaisa naman ang mga ito na dapat pagtuunan ng pansin ang agrikultura at mga magsasaka.
Ipinagmalaki naman ni Mayor Moreno ang kanyang 10-point Bilis Kilos Economic Agenda kung saan kanyang itinampok na napondohan naman daw nila ang infrastructure projects kahit wala raw kapera-pera noon ang pamahalaan ng Maynila.
Nangako rin ito na tataasan ang budget para sa housing program pati na rin ang paglalagay ng 107,000 hospital beds sa unang 1,000 araw niya sa opisina.
Magigiging kakaiba rin daw ang paghahanda ng bansa sa natural calamities sa ilalim ng kanyang pamamahala kung sakali kung ikukumpara niya sa ibang mga presidente.
Sa kabilang dako sumentro rin ang programa ni Robredo sa mga usapin sa plano nang pagpapaangat buhay sa hanapbuhay, seguridad, pagkain, kalusugan, kabuhayan at kalikasan.
Nangangako rin siyang gagawing doble ang budget para sa sektor ng agrikultura para matiyak ang food security, pati na rin ang pagkakaroon ng unemployment insurance, suportahan ang in-city, on-city, at near-city housing programs, at hahabulin din ang mga big-time drug traffickers.
Binigyang diin din ng bise presidente na kung siya ang mananalo sa halalan at maging ganap na pangulo ay susuportahan niya ang modernization program ng AFP.
Nang matanong ng isa sa panelist na si Bombo Elmar Acol, sinabi ni Robredo na hindi siya nababahala sa banta ng Pangulong Rodrigo Duterte na magbulgar ng isang presidential candidate na korap.
Wala rin daw siyang tututol kung meron mang ginagawang background check ang PNP sa kanilang mga kandidato.
Samantala, agaw pansin naman ang balakin ng labor leader na si Ka Leody de Guzman ng talakayin niya sa mga programa na dapat daw patawan kaagad ng 20 percent na wealth tax ang top 500 para mapondohan ang social services at tutulong din sa mga magsasaka at mangingisda para mapataas ang kanilang production.
Itutuloy din daw ng kanyang administrasyon kung sakali ang pagbawi sa mga ninakaw na yaman ng pamilya Marcos
Binigyang diin din niya na dapat nang wakasan ang endo o end of contract system sa ilang manggagawa.
Gayundin din naman alam daw niyang solusyunan na matigil na ang pagrerebelde ng CPP-NPA na mahigit na sa 50 dekada na problema ng Pilipinas.
Muli namang ipinaliwanag ni Sen. Ping Lacson ang kanyang adbokasiya sa paglabag sa korapsiyon.
Ayon sa kanya nasa P700 billion ang nawawala sa korapsiyon kada taon.
Ipinagmalaki rin nito ang kanyang kahandaan sa pagrenda ng pamahalaan dahil sa hawak niyang malawak na eksperyensa.
Tiniyak din nito na hahabulin niya ang mga incompetent, corrupt at walang disiplinang government workers para masawata ang korapsyon at ma-maximize ang resources ng bansa.
Nangako rin ang senador na wawakasan niya ang pag-aangkat ng mga produkto sa ibang mga bansa dahil ito ay kumikitil sa sektor ng agrikultura.
Sa tanong naman ng Bombo Radyo, sinabi niya na ang una niyang gagawing executive order ay magiging bukas siya at i-waive ang karapatan niya sa bank secrecy law.
Samantala, para naman kay Sen. Manny Pacquiao ang isyu rin sa korapsiyon ang kanyang pangunahing lalabanan.
Nabanggit din niya ang pagsusulong sa one-gadget-per-student ratio pati na rin ang pagkakaroon ng renewable energy development.
Tulad sa isang boksing na 12 round, meron naman daw siyang 22 point agenda.
Para sa kanyang panahon naman daw na manalo ang mahihirap.
Tinutulan din naman niya ang pag-aangkat ng Department of Agriculture ng 60,000 metriko toneladang galunggong, na tulad sa kanyang lugar sa GenSan ay wala namang kakulangan ng suplay.
Sa kabilang dako, lahat ng limang presidential bet ay gustong ipagpatuloy ang Build, Build, Build (BBB) program ng Duterte administration ngunit may iba’t ibang pagpapahalaga.
Sinabi ni Vice President Robredo na ang lahat ng kontrata sa ilalim ng BBB program ay dapat ipagpatuloy kung ma-clear ang mga aberya.
Ipinunto niya na ang programa ng imprastraktura ng pamahalaan ay maaaring tugunan ang mga hamon sa rural development, at dapat ang pagtuunan ng pansin ay ang mga kanayunan.
Bukod dito, sinabi niya na ang pagtuon sa pag-unlad sa kanayunan ay nakasalalay sa pamamahala ng mga mapagkukunan ng tubig, pampublikong transportasyon, pagbuo ng koneksyon para sa mga mapagkukunang nakabatay sa teknolohiya.
Ganon din, pabor si Mayor Moreno sa pagpapatuloy ng BBB program, ngunit dapat daw ay tumutok ito sa mas maraming ospital, paaralan, at mga proyektong pabahay, tulad ng ginagawa niya sa lungsod ng Maynila.
Para naman kay Pacquiao, kailangang magpatuloy ang programa sa imprastraktura, partikular ang pagpapalawak ng sistema ng riles.
Gayundin, pabor din si Ka Leody na ipagpatuloy ang BBB, lalo na sa pagpapalawak ng mga riles, at mass transportation.
Ngunit nais din niyang ilipat ang badyet para sa imprastraktura sa ibang sektor ng lipunan.
Si Lacson ay pabor din sa pagpapatupad ng BBB, pero dapat ay “perpekto” raw muna ang mga kontrata at focus sa Public Private Partnership (PPP).
Ang venue ng naturang presidential forum ay isinagawa sa TV5 Channel habang ang mga presidentiables ay naka-virtual.
Tumayo namang moderators sa forum sina Rico Hizon ng CNN Philippines at Karen Davila ng ABS-CBN.
Ang mga nagsilbing panelists liban kay Acol ay sina Ed Lingao ng TV5, Roby Alampay ng One News at si Dan Andrew Cura ng Far East Bctg. System.