-- Advertisements --

Muling nagpositibo sa red tide ang ilang mga katubigan sa bansa, batay sa bagong Shellfish Bulletin na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources(BFAR).

Kinabibilangan ito ng mga karagatang sakop ng Milagros sa Masbate; coastal waters ng Leyte, Leyte; Matarinao Bay sa Eastern Samar; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; at coastal waters ng Tungawan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.

Ayon sa BFAR, nananatiling mataas ang lebel ng toxic red tide sa mga naturang katubigan, batay na rin sa resulta ng pag-aaral sa mga nakulektang shellfish sa mga ito.

Dahil dito, nananatiling mapanganib at ipinagbabawal ang pangunguha at pagkain ng mga shellfish at alamang.

Gayonpaman, ligtas pa ring kumuha at kumain ng mga pusit, isda, hipon, at mga talangka mula sa mga nabanggit na lugar, basta’t nahugasan at naluto ng maayos ang mga ito.

Maliban sa mga nabanggit na lugar, ligtas na mula sa epekto ng red tide ang iba pang karagatan sa bansa.