-- Advertisements --

Nasa limang prominenteng lider na lamang ng Maute-ISIS ang tinutugis ngayon ng militar sa Marawi.

Ito ang ibinunyag ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez.

Ayon kay Galvez ang mga ito ay sina Amin Bako na isang Malaysian, Ibno Kayin na isang Indonesian kasama ang tatlong anak ni Isnilon Hapilon.

Pahayag ng heneral, ang limang personalidad ang siyang namumuno ngayon sa tinatayang nasa 20 mga Maute-ISIS fighters.

Sa kasalukuyan, apat na lang na pawang mga lalaki ang nalalabing hostage ng mga terorista na nagkukubli sa tatlo na lamang na gusali sa battle zone.

Inihayag naman ni AFP spokesman Major Gen. Restituto Padilla Jr., na wala nang lulusutan ang mga terorista dahil napapalibutan na ang mga ito ng tropang gobyerno kaya wala na ang mga itong pagpipilian pa kundi ang ibaba ang kanilang mga armas at sumuko.

“Sila naman ay cornered na, wala na silang lalabasan. Wala na silang pinupuntahan. Kaya hinihimok natin silang sumuko na lang,” mensahe pa ni Padilla.

Samantala, halos 1,000 mga terorista ang napatay ng militar sa limang buwang operasyon sa Marawi City.

Sa datos ng militar nasa 900 terorista ang napatay kabilang na ang top Maute-ISIS leaders na sina Isnilon Hapilon, Omar Maute at Malaysian bomb expert na si Dr. Mahmud Amad.

Habang sa panig ng gobyerno nasa 164 na mga sundalo at pulis ang napatay sa labanan na itinuturing na mga bayani na nag-alay ng kanilang buhay sa ngalan ng kapayapaan.

Sa panig ng mga sibilyan umabot na sa 47 ang nasawi, habang nasa 1,777 na mga sibilyan ang nailigtas.

Nasa 850 naman na mga armas mula sa kalaban ang narekober ng militar.

Ngayong araw, posibleng pormal na ideklara ng AFP na tapos na ang giyera sa Marawi.