-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Todo pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Carmen, North Cotabato nang ma-turn over sa kanila ang mga proyekto na pinondohan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga priority projects sa mga barangay.

Nanguna sina DILG-12 Regional Director Josephine Cabrido Leysa, CESO lll at Carmen Mayor Moises Arendain sa ceremonial turn-over ng mga proyekto na pinondohan ng DILG noong 2018 at 2019 sa pamamagitan ng Assistance to Municipalities (AM) at Sagana at Ligtas na tubig para sa lahat (SALINTUBIG) programs ng ahensya.

Ayon sa Project Development Management Unit (PDMU) ng DILG-12, ang apat na proyekto na na-turn-over ay kinabibilangan ng potable water supply systems na ibinigay sa Barangay Kimadzil, Tupig, General Luna, at Ranzo; at ang local access road ay matatagpuan naman sa Barangay Tacupan.

Tinatayang 1,782 residente ang makakabenepisyo mula sa naturang mga proyekto na nagkakahalaga ng P14,328,612.

Mula 2012 hanggang 2020, ang bayan ng Carmen ay nakatanggap ng P70,366,612 financial assistance sa ilalim ng iba’t ibang Local Government Support Fund (LGSF) programs kabilang na ang Bottom-up Budgeting, Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA), Salintubig, at ADM/AM.

Kinilala naman ni Leysa ang “mahusay na pagganap” ng LGU sa pagpapatupad ng mga proyekto ng SALINTUBIG at pagsunod sa portal ng SubayBayan, ang online monitoring platform ng kagawaran.

Napag-alaman na ang Carmen ang unang LGU sa Region-12 na unang nakatapos ng 2019 SALINTUBIG projects at nakamit ang 100% compliance rate sa online monitoring platform batay sa database ng PDMU hanggang Disyembre 1, 2020.