-- Advertisements --

Pormal nang sinampahan kasong kidnapping at serious illegal detention ng Criminal Investigation and Detection Group sa Department of Justice (DOJ) ang limang pulis at iba pa na may kaugnayan umano sa pagdukot kay Ricardo Lasco, isang master agent ng e-sabong sa San Pablo, Laguna noong Agosto 2021.

Pinangalanan ng pulisya ang mga nasabing akusado na sina:

PSSg Daryl Paghangaan;
Pat Roy Navarete;
PLT Henry Sasaluya;
PMSG Michael Claveria;
Pat Regil Brosas;
Several John Does

Ipinahayag din ni PNP Spokesperson at Police Col. Jean Fajardo na sinampahan din ang mga ito ng karagdagang kasong pagnanakaw dahil aniya sa mga alegasyon ng pamilya ng biktima na kinuha umano ng mga ito ang mga gamit na may kasamang alahas na nagkakahalaga ng Php 500,000 at gayundin ang nasa Php180,000 na cash money na sapilitan din na kinuha ng mga ito sa biktima.

Dagdag pa ni Fajardo, napagtibay din ang isinampang kaso sa mga pulis na ito nang positibo silang kilalanin ng mga kaanak ng biktima dahil nag-alis daw ang mga ito ng mga facemask habang sapilitan silang pinapasok ng mga ito.

Sa ngayon ay nadisarmahan na ang mga pulis at kasalukuyang nasa ilalim na ng restrictive custody sa regional headquarters ng Calabarzon habang isinasagawa ng mga kinauukulan ang pagdinig sa mga kasong inihain laban sa kanila.