(Update) LEGAZPI CITY – Nasa ligtas nang kondisyon ang limang pulis na biktima ng pang-a-ambush ng mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Alegria, Pio V. Corpuz, Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay S/Sgt. Gerwin Dela Serna ang police investigator on case, nagpapagaling pa sa ngayon sa ospital ang limang pulis na pawang nagtamo ng tama ng bala sa kanilang katawan.
Nabatid na lulan ng police mobile ang mga biktima na reresponde sana sa insidente ng pamamaril sa lugar ng biglang pasabugan ang sasakyan ng mga pinaniniwalaang rebelde hanggang sa magkapalitan na ng putok.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang mga nang-ambush sa pulis ay mga suspek din sa pamamaril-patay sa isang Wilcedo Neda na residente ng lugar na siya sanang rerespondehan ng mga pulis.
Sa ngayon, inaalam na ng mga otoridad ang pagkatao ng napatay na residente at kung ano ang motibo ng mga rebelde sa insidente.