Pinasisibak na sa serbisyo ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang limang pulis na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa online seller sa Nueva Ecija.
Ayon kay Eleazar, mariin niyang kinokondena ang pangyayaring ito at pinamadali niya na sa PNP Internal Affairs Service (IAS) ang summary dismissal proceedings sa mga suspek.
Nabatid na maliban sa limang pulis, sangkot din ang mga sibilyan na si Franklin Macapagal at Dario Robarios sa pagpatay sa biktimang si Nadia Casar batay sa testimonya ng mga testigo.
Sa ngayon, sina SSgt Benedict Matias Reyes,SSgt June Malillin, Cpl Julius Alcantara, at Dario Robarios ay nasa kustodiya na ng mga pulis habang sina MSgt Rowen Martin, SSgt Drextemir Esmundo, at Franklin Macapagal ay at-large na subject ngayon sa manhunt operations.
Nabatid na base sa pahayag ng Grab driver, may idineliver umano ang biktima noong July 20 sa isang Franklin Macapagal alias “Kelly” sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Agad din silang umalis matapos ang transaksyon, pero habang bumabiyahe, hinarang sila ng limang armadong lalaki sakay ng isang pick-up at dalawang motorsiklo.
Natagpuan ang sinunog na bangkay ni Casar sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City, Nueva Ecija.
Narekober na rin ang sasakyan na ginamit ng mga suspek na pulis.
Napag-alaman na ninakawan pa ng mga pulis ang driver ng kaniyang cellphone at P4,500 cash na naging daan sa paglaya nito alas-3:00 ng madaling araw nuong July 21.
Tiniyak naman ni Eleazar sa pamilya ng biktima ang hustisya.
Tinutukoy na rin ng PNP ang iba pang police officers na sangkot kidnap for ransom activities.