-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Sugatan ang limang pulis matapos na bumaligtad sa national highway, Barangay Saravia, Koronadal City ang Mobile Patrol ng 2nd PMFC South Cotabato na sinasakyan ng mga ito kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan.

Ito ang kinumpirma ni PMSgt. Leo Dimaculangan-PNP Traffic Investigator sa ipanayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang mga sugatan na sina PAT Regie Palmares, driver ng mobile patrol na Isuzu Dmax Pick-up; PMaj Sherwin Panaguiton; PAT Regan Nacion; PAT Gilbert Blase Jr. at PAT John Felix Gulac na pawang mga kasapi ng South Cotabato Police Provincial Office.

Ayon kay Dimaculangan, mula sa lungsod ng Koronadal papuntang bayan ng Tupi, South Cotabato ang mga pulis nang pagdating sa lugar dahil sa madulas na daan dulot ng malakas na buhos ng ulan nakabangga ang mga ito sa isang puno sa gilid ng national highway at bumaligtad sa taniman ng mais.

Mabuti na lamang at pawang mga minor injuries lamang ang natamo ng mga ito.

Agad na isinugod sa ospital ang mga pulis at nagpapagaling na sa ngayon.

Habang, kinuha na rin sa lugar kung saan nangyari ang aksidente ang yupi-yuping mobile patrol na sinasakyan ng mga ito.

Kasabay nito, nagpaalala naman ang opisyal sa lahat ng mga biyahe lalo na sa tuwing umuulan na mag-ingat upang maiwasan na maaksidente sa daan.