ILOILO CITY – Nakatanggap ng financial assistance mula sa Iloilo provincial government ang limang rebelde matapos nagbalik loob sa gobyerno.
Ang pagbigay ng ayuda sa mga rebelde na galing sa bayan ng Calinog at Lambunao ay pinangunahan ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. at nasaksihan din ito nina 301st Brigade Philippine Army Commander Col. Marion Sison at Department of the Interior and Local Government-Iloilo Provincial Director Teodora Sumagaysay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sison, sinabi nito na ang bawat rebel returnee ay nakatanggap ng P15,000 na immediate assistance at P60,000 na livelihood assistance sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Ayon kay Sison, dahil na isinuko rin ng mga rebelde ang kanilang armas, ang bawat isa ay nakatanggap ng P70,000.
Kabilang sa mga isinukong armas ay isang .38 caliber pistol, isang .45 caliber pistol, isang shotgun at isang M1 grenade rifle.
Inihayag ni Sison na ang mga rebelde ay kabilang sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army kung saan noong nakaraang tanon, sumuko ang 10 rebelde na kasapi ng nasabing grupo.
Sa ngayon, umaabot sa 184 na rebelde sa lalawigan ng Iloilo ang nasa monitoring ng Philippine Army.