-- Advertisements --
NAMFREL secretary general Eric Alvia1

Inihirit ngayon ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng reporma para mapaganda pa ang takbo ng halalan sa susunod na taon.

Partikular dito ang efficiency at transparency ng automated polls.

Sa isang press conference, sinabi ni NAMFREL secretary general Eric Alvia na mayroong naranasang mga problema sa bansa sa pagsasagawa ng automated elections sa mga nakaraang taon.

Dahil dito, noon pa lamang buwan ng Hunyo ay nagbigay na umano ng proposal at rekomendasyon ang NAMFREL sa Comelec advisory council.

Ang naturang panukala ay ipinasa rin sa Kongreso para mapaganda pa ang automated elections system (AES) base sa technical standards.

Kabilang sa kanilang iminungkahil ang paggamit ng open source licensing sa AES, paggamit ng election mark-up language (EML), pag-reformat o pag-iba ng disenyo ng balota, paglagay ng QR codes sa election returns (ERs) at ang voter verifiable paper audit trail (VVPAT) at wasto o tamang paggamit ng digital signature.

Sinabi ng grupo na sa pamamagitan ng kanilang rekomendasyon, magiging mas competetive at transparent ang AES at maiiwasan din ang delays at glitches.

Hindi naman daw nangangailangan ng karagdagan pang legislation na ipatutupad sa kanilang proposal at puwede namang i-adopt ng Comelec at gamitin ang mga ito sa 2022 national at local elections.