(Update) TUGUEGARAO CITY – Nakalabas na sa pagamutan ang lima habang kritikal ang apat na iba pa sa 10 guro na nasugatan sa banggaan ng dalawang van sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng isa sa mga gurong biktima na si Jean Agustin na minor injury ang tinamo niyang sugat at ang apat niyang kasamahan kung kayat agad silang nakalabas sa pagamutan.
Ayon sa kaniya, tinahi ang kaniyang paa at siko na nasugatan nang maipit sa nayuping harapan ng van nang mabunggo ng delivery van.
Na-confine ang isa nilang kasamahan sa Grupo Medico sa Brgy. Dugo, Camalaniugan habang ang apat ay dinala sa St. Paul Hospital sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa malubhang tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kuwento ni Agustin na papunta sana sila sa Tuguegarao para dumalo sa training na ipinatawag ng Commission on Elections ukol sa pag-operate ng vote counting machine nang maaksidente sila sa Barangay Bangag, Lal-lo.
Aniya, mabilis ang takbo ng kasalubong na delivery van sa pababang bahagi ng kalsada sa Brgy. Bangag kung saan tinangka umano niyang i-overtake ang dalawang sinusundang sasakyan.
Subalit hindi umano natantiya ng driver ng delivery van kung kayat pumasok sa linya ng van na sinasakyan ng mga guro na pawang nagtuturo sa Aparri West.
Napag-alaman na sugatan din ang driver ng delivery van.