Nabigo ang limang suspek sa umano’y hazing na pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig na makakuha ng abogado mula sa Public Attorney’s Office dahil sa conflict of interest.
Ayon sa isang abogado sa Public Attorney’s Office sa Biñan, ibibigay ng tanggapan ang kanilang serbisyo sa nagrereklamo ukol sa naturang hazing.
Hindi na umano pwedeng mag-assist sa mga suspects ang Public Attorney’s Office dahil ibibigay nito ang kanilang katungkulan at serbisyo para sa kabilang panig.
Idinagdag niya na ang anim pang suspects ay maaari pa ring makakuha ng serbisyo mula sa mga pribadong abogado.
Si Salilig, 24-anyos ay natagpuang patay sa Imus City, Cavite noong Martes matapos dumalo sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi fraternity.
Sa medico-legal examination, nakitang namatay si Salilig dahil sa matinding blunt force trauma sa kanyang lower extremities.
Ito’y matapos siyang makatanggap ng bilang na 70 paddles mula sa kanyang mga kasama.
Nauna nang sinabi ni Col. Virgilio M. Jopia, acting chief of police ng Binan, na pinag-isipan ng mga miyembro ng fraternity na sunugin ang katawan ni Salilig o iwan ito sa ospital bago nagpasyahang ilibing ang bangkay.
Sa kasalukuyan nasa kustodiya na ng pulisya ang itinuturong anim na person of interest upang imbestigahan.