-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasampahan na ng kaso sa pamamagitan ng regular filing ang lima sa anim na turistang nagpakita diumano ng pekeng swab test results ng COVID-19 upang makapasok sa isla ng Boracay.

Ayon kay PMaj. Jonathan Pablito, hepe ng Malay Police Station na kasong paglabag sa falsification by private individual and use of falsified documents (Art. 172 ng Revised Penal Code) ang isinampa sa mga akusadong sina Geraldine Tabious Yangson, Anna Karenina, Aldrin Cruz, Jeffrey Ortaliza at Margarita Amparado, pawang mga taga-Metro Manila.

Aniya, hindi na isinama sa kaso ng prosecutor ang isa dahil genuine ang swab test result nito.

Habang naka-quarantine sa Aklan Training Center sa Barangay Old Buswang, Kalibo ay isinailalim ang mga ito sa swab tests at sa mabuting palad ay naging negatibo sila sa COVID-19 dahilan na hindi na nadagdagan ang kanilang kaso.

Nauna dito, kinumpirma ng isang diagnostic center sa Mandaluyong City na isa lamang sa anim na RT-PCR test results na pinasuri sa kanila ang authentic habang ang ibang test results ay mga photocopies at niretoke lamang.

Ang anim na turista ay nakabalik na sa Maynila matapos pansamantalang makalaya.