LAOAG CITY – Naiwan ng mga miyembro ng New People’s Army ang limang sakong bigas at dalawang karton ng sardinas matapos ang engkwentro nila ng Philippine Army sa bulubunduking bahagi ng Barangay Poblacion sa bayan ng Nueva Era dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ang engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at mga rebeldeng grupo ay tumagal ng 15 minuto.
Ayon kay Maj. Bryan Albano ng 501st Infantry “Valiant” Brigade ng Philippine Army, miyembro ng Platoon Uno ng Ilocos Cordillera Regional Committee ang mga nasabing armadong grupo kung saan may 15 hanggang 20 ang kanilang nakasagupa.
Ipinaalam niya na bumili ang mga miyembro ng NPA sa isang tindahan sa bayan ng Nueva Era nang mangyari ang insidente.
Sabi nito na wala namang naiulat na may namatay o nasaktan sa kanilang tropa.
Maaalalang pinawi ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang takot ng publiko tungkol sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at mga rebelde.
Una rito, tiniyak din ng gobernador na walang banta sa seguridad sa lalawigan mula sa makakaliwang grupo na pinaniniwalaang nagmula sa lalawigan ng Abra.