-- Advertisements --

LA UNION – Limang sasakyan kabilang ang convoy ng mga Department of Agriculture (DA) officials ang nagkarambola sa kahabaan ng national highway, sa Barangay Paringao, Bauang, La Union.

Kabilang dito ang tatlong gov’t. vehicle ng Department of Agriculture at dalawang pribadong sasakyan, isang blue ranger na minamaneho ni Jessy Buen ng Bantay, Ilocos Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Erwin Paurel, nagmaneho ng isang 4×4 Nissan Calibre, sinabi nito na sakay niya sina Dr. William C. Medrano, Undersecretary for Livestock ng DA at Dr. Rolando Pardo.

Sinabi nito na galing sila ng Pangasinan at nakatakda silang dumalo sa isang event dito sa San Fernando City, La Union nang mangyari ang insidente.

Napag-alaman na kasama si Secretary William Dar sa biyahe ngunit nauna ang kanyang sinakyan kung kaya’t hindi ito sangkot sa mga nagkarambolang sasakyan.

Base sa inisyal na report, biglang nag-preno ang Innova na nasa unahan dahil iniwasan umano nito ang sumingit na motorsiklo, ngunit ito na rin ang naging dahilan ng pagkarambola ng apat pang sasakyan na nasa likuran.

Gayunman, wala namang naulat na nasaktan sa pangyayari maliban lamang sa minor damages sa likuran at harapan ng mga sangkot na behikulo.