CEBU –Limang sasakyan ang nagkarambola sa kalye ng Barangay Liki, Sogod, Cebu pasado alas-11 ng umaga nitong Miyerkules, na ikinasawi ng isang 66-anyos na lalaki.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Sogoranon Garlito dela Cerna, 66 anyos.
Isa sa mga nasangkot sa aksidente ay isang bus na bumangga mismo sa isang bahay.
Sa ulat ng Sogod Police Station, ang aksidente ay binubuo ng limang sasakyan, isang Autobus, isang Ceres Bus, isang Geely Sports, isang Toyota Hilux, at isang Isuzu Boom Truck.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, patungong South ang Autobus nang bumangga ito sa Ceres Bus na nasa harapan nito na naging sanhi ng pagtabingi ng Autobus sa kabilang lane at bumangga sa Geely SUV na bumangga rin sa Hilux at Isuzu Boom Truck.
Nawalan umano ng kontrol ang Ceres bus matapos mabangga ng Autobus na naging sanhi ng pagbangga nito sa bahay ng isang Garlito dela Cerna.
Mabilis na rumesponde ang MDRRMO at iba pang responders at agad na dinala ang mga sugatan na biktima sa pinakamalapit na ospital.
Nasa anim pa ang sugatan sa aksidente na patuloy pang ginagamot sa ospital.